Tuesday, June 05, 2012

Nature or Nurture?


Hindi iisang beses na nasabihan nya ang kanyang 13-year old na tiyahin ng “Mamatay ka na sana!” dahil sa hindi pagkakasundo sa TV. Madalas, makakailang ulit ka ng saway sa kanya, yung tipong halos umakyat na lahat ang dugo mo sa ulo dahil sa yamot, bago siya sumunod at tumigil sa kakulitan nya. Bawat laruang mahawakan nya hindi maaaring hindi niya sisirain bago bitawan. Minsan, makikita mo syang may hawak na patpat sa paglalaro, habang hinahampas ang mga halaman at sinasabihan ng “Dapat sa inyong mga halaman pinapatay na dahil hindi kayo namumunga!” Kung bakit, hindi ko alam. Ang mas masaklap, ilang ulit na rin siyang nahuling nangungupit ng mga barya sa bahay. Nakakatakot, dahil sa edad na walong taon, ganito na ang ipinapakita nyang ugali.



Sabi nila, hindi naman daw sya ganun dati. Noong 4 years old pa lang ito, malambing daw ito sa mga lolo at lola nya. Hinihilot pa nga daw nito ang mga binti ng lola nya kapag nakikitang pagod na ito sa paglalaba. Dahil panganay na apo, malapit ito sa lolo nya kaya laging kasama sa mga lakad. Pero ngayon daw, parang hindi na nila kilala ang batang ito na pinalaki at inalagaan nila. Lumayo na ang loob nila dito.

Gusto ko syang pagpasensyahan at isipin na yung sitwasyon nya ang dahilan ng pagbabago ng kanyang  ugali. Gusto ko syang intindihin dahil isa akong nanay, at ang ina ay handang umunawa sa ugali at mga pagkakamali ng kanyang anak.

Ang tanong nya sa tatay nya nung minsang dalawin sya: Papa ipinanganak ninyo ba akong malas? Kasi yung kapatid ko namatay, si Mama nakakulong, ikaw malayo sa akin dahil ng trabaho mo. Ako ba ang malas sa inyo?

Para magbitaw ang isang batang tulad nya ng ganun kabigat na tanong ay nangangahulugan lamang na may epekto sa kanya ang mga pangyayari sa buhay nya.

Ano nga ba ang bumubuo at nakakaapekto sa ugali ng isang tao? Meron nga bang mga ugaling hereditary? Dahil sa peer pressure? O may malaking impluwansya nga ba ang mga taong nakakasalamuha natin sa labas ng bahay?

Mula pagkapanganak hanggang sa magkaisip, pamilya ang madalas nating kasama. Pagtuntong ng apat o limang taon, andyan na ang mga kalaro at kapitbahay. Maya-maya pa, andyan na rin ang paaralan kung saan mas lumalawak ang mundo natin.

Hindi ko alam kung bakit sa bahay sya lumaki at nagkaisip bago sya kinuha ng nanay nya para alagaan. Ang alam ko lang, muli syang ibinalik sa lolo at lola nya dalawang taon na ang nakakaraan dahil nakulong na ang nanay nya. Doon na nila nakita ang malaking pagbabago sa ugali nya. Kung tutuusin, nanay ang kasama nya sa formative years nya, kaya ung disiplina at tamang behavior ay dapat nandun. Pero ang tanong, pano kung nanay mismo ang  wala ng mga ito? Ganito na din ba ang anak? Automatic ba  na kung ano ang puno, sya ring bunga? O pwede bang it depends? Case to case basis? 


Nag-iisip lang. Dahil isa rin akong ina, at meron akong isang tsikiting na sinisimulan ko nang idisiplina. Malalaman pa ang resulta ilang taon pa mula ngayon. Sana hindi ako magkamali.


No comments:

Post a Comment