Isang pagsasalaysay.
Ng isang paglalakbay.
Ng mga kwento.
Ng mga aral.
Ng mga minsan ay wala lang na moments, pero
mga moments na tumatak sa puso at isip.
Ito ang mga highlights ng buhay kong
minsan ay maydrama, masaya, nakakainis, nakakabagot, pero madalas ay ordinaryo.
Ito ang timeline ng buhay ko.
Sabi ni Mama, 5 years old na ako nang
matutong magsalita. Akala nga nila, pipi ako kaya iniluwas pa nila ako sa
Batangas para ipacheck-up. Nag-alala sila dahil malapit na ako pumasok ng
kinder pero hindi pa ako nagsasalita ng diretso. Puro ungol at turo lang daw ako. Pero base sa kwento nila, sa hindi maipaliwanag na dahilan, noong
malapit na ako mag-enrol at pabasahin para malaman kung pwede na ako tanggapin
sa kinder, nakapagsalita ako. Ng tuwid. Child wonder? Hindi ah. Magaling lang
daw ang pinagpraktisan ko – Tagalog komiks na ipinapaarkila ni Mama noon na
lagi kong hawak at “binabasa” sa isang sulok.
1990
Akalain mong 1st honor ako
agad pagpasok ng kinder! Child wonder? Hindi pa rin. Wala nga ako kamalay-malay
sa mga pinaggagawa ko para mag-top sa klase. Hindi ko din matandaan kung
nagspeech ako noong graduation. Hindi ko rin alam kung ano ang 1st
word na naisulat at nabigkas ko, kung anong kulay ang una kong narecognize,
kung anong nursery rhyme ang una kong nasaulo. Marami pa akong hindi matandaan.
Although tanda ko pa naman yung pangalan ng teacher ko na ngayon ay head na ng
Comelec dito sa amin. Hindi ko alam paano nagkaroon ng koneksyon ang education
at election at nag-change of career si Ma'am. Ah, siguro dahil teachers ang
nagbabantay sa election? Waley na joke, alam ko.
1992
Grade 2 ako nang una kong nalaman na
kahit ikaw ang pinakamatalino at pinakamagaling sa klase, pwedeng hindi pa rin
ikaw ang 1st honor sa huli. Daig daw kasi ng siko ang utak minsan.
Kaya yung isa kong kaklase na panay ang padala ng kung anu-ano sa teacher ko at
laging prisintado sa mga gawain, siya ang maysabit na gold medal pagdating ng
Marso. Matalino din naman siya, in fairness to her, kaya hindi na rin ako
naghabol o nagreklamo. Ngumiti pa rin ako sa harap ng kamera na hawak ng nanay
ko habang isinasabit sa akin ng teacher ko ang silver medal.
1994
Nagising ako sa ingay ng paligid .Madilim
at parang may nag-uuga sa higaan ko. Pero bigla ko ring naalala na sa sahig nga
pala ako nakahiga kaya hindi pwedeng basta umuga yun. Nang tuluyang mawala ang
antok ko, doon ko nakita ang cabinet naming tumumba papunta sa akin. Buti na
lang matibay ang pagkakatali ng kulambo na syang pumigil sa cabinet para hindi tuluyang bumagsak sa katawan ko. Ang una kong nakita ay si Tita Nesty na pilit
itinatayo yung cabinet. Muli ko na namang naramdaman ang pag-uga. Lumilindol
pala. November 15 yun, Mindoro Day. Pero isang masaklap na pangyayari
ang sumalubong sa isa dapat masayang araw.
Kahit hindi likas na madasalin ang pamilya ko, nagtipon
tipon kami para magrosaryo. Sa gitna ng panginginig ng boses at mga daliri ko dahil
sa takot, pinamunuan ko ang pagdadasal ng rosary. Buti na lang madalas akong mag-lead
sa klase ng pagrorosaryo tuwing hapon. Lahat kami nakaluhod sa
harap ni Sto. Nino. Tahimik, ung iba nakapikit, ung iba nakatungo, pero lahat
may kanya-kanyang dasal. Kasabay ng bawat Our Father at Hail Mary ay ang paghiling
na sana malampasan namin ang trahedya. Kasabay din ng pagbigkas ng bawat
misteryo ay ang pasasalamat ko dahil ligtas ang buong pamilya ko, pati na ang
pagtataas ng lahat-lahat sa Kanya. Ganun pala yun. Kahit nasa gitna kayo ng
lindol o ng kahit anong disaster, kung alam mong sama-sama at buo ang pamilya,
kahit ano pa mangyari, handa ka na.
1995
Section A ako noon, Section C naman
siya. Iisa ang building namin. Sa classic description na “tall, dark, and
handsome”, feeling ko sa pangalawa lang sya pumasa. Sa tuwing makikita ko sya,
tumatambol ang dibdib ko sa kaba. Pasimple akong mapapahawak sa buhok ko para
icheck kung ayos pa ba ang pagkakasuklay ko. Pag oras ng recess, tumatambay ako
sa harap ng classroom namin, humahaba ang leeg sa pagsilip kung nasa labas din
sya ng room nila. At madalas swerte ako kasi andun din sya, kasama ang mga
kabarkada nya. Kunwari very attentive ako sa pakikipagkwentuhan sa best friend
ko. Pero sa gilid ng aking mga mata, pilit kong sinisilip kung napapatingin ba
sya sa direksyon ko. Kung napapansin ba nya akosa pagpapacute ko. Madalas, ang
feeling ko, parang hindi naman.
Isang araw,habang naghihintay sa sunod
naming teacher, may iniabot sa akin ang isang kabarkada nya. Isang papel na
pinilas mula sa Cattleya notebook. Simple lang ang nakasulat –Jena, crush kita. Parang gustong lumabas
ng puso ko sa dibdib dahil sa lakas ng tibok nito. Heaven.
1996
Blanko ang memorya ko sa naging reaksyon ko nung araw na iannounce sa harap ng lahat ng Grade 6 na ako
ang Valedictorian ng graduating class namin. Point 25 lang daw ang inilamang ko
sa Salutatorian namin. Muntikan pa pala ako dun.
Nung graduation, present si Mama
syempre. Lagi naman ganun, sya ang tagasabit ng mga medal at ribbon ko sa
school. Wala rin syang mintis sa mga PTA meetings namin. Ngayong
gagraduate ako ng Valedictorian, saka pa ba sya mawawala. Saka matapos ang
natuklasan namin ilang buwan lang bago ang graduation ko, alam kong si Mama na
lang talaga ang makakasama ko lagi. Gustuhin ko mang maging kumpleto ang family
picture namin kasama si Tatay sa mga darating pang school events, hindi na pwede.
Sumakabilang-bahay na sya (hindi yan typo error).
1997
Paroo’t parito ang mga tao sa gitna ng
sikat ng araw. Marami na rin ang nasa harap ng grandstand, naghihintay ng
kauna-unahang flag ceremony sa school year na yun. Palinga-linga ako,
tumityempo na makakita ng pwedeng makausap habang naghihintay. Maraming mga
pamilyar na mukha, pero mas marami ang hindi ko kilala. Excited ako, pero mas
kabado. Iba daw ang high school, marami ang nagsasabi. Exciting, puro
adventures, maraming matututunan at mararanasan. After four years, narealize ko
tama nga si Sharon Cuneta:
Ang saya ng high school
Same in yours and my school
Di na mapapantayan
T'yak ganyan ang buhay na sadyang makulay
Alaala kaylan man
High school life, ba't ang high school life
Ay walang kasing saya?
Bakit kung Graduation na'y
Luluha kang talaga?
Same in yours and my school
Di na mapapantayan
T'yak ganyan ang buhay na sadyang makulay
Alaala kaylan man
High school life, ba't ang high school life
Ay walang kasing saya?
Bakit kung Graduation na'y
Luluha kang talaga?
Pero hindi ako umiyak nung graduation
namin. Hindi ko alam bakit.
2001
Mabilis na lumipas ang panahon. Eto,
freshman na naman ulit ako. Pero this time, sa State U na. Kabado na naman ako,
isang probinsyanang sinuwerte na makapasa sa UPCAT para makipagsapalaran sa
mundo ng mga aktibista at liberal na isipan. Punong puno ako ng pag-asa,
mula sa pangarap na balang-araw uuwi ako sa nanay ko at sasabihing, Mama hindi mo na kailangang magtrabaho, ako
na ang bahala sayo.
Baon ko ang inspirasyon na yun habang
sakay ng Philcoa jeep papasok ng UP. Panay ang linga ko sa labas ng bintana sa
takot na malampasan ko ang University Theater kung saan gaganapin ang freshmen
orientation namin. Ang sabi ng Tito ko, pag nakita ko na si Oble, malapit na ako. Kaya naman
bigla akong napa-para nang makita ko na sya pagliko ng jeep sa dulo ng University Avenue.
Pasimple akong lumilinga habang naglalakad para maghanap ng building na mukhang
theatre. Napadaan ako kay Oble, at hindi ko naiwasang pasimple din syang
sulyapan. So ikaw pala yun, sa isip ko. Hindi ko alam kung sadya ba syang
ginawang nakadipa ni Guillermo Tolentino, astang nagwewelcome sa mga bagong
dating to make them feel at home. Pero mas lalo akong kinabahan nang makita ko
sya. Kaya ko bang panindigan ang bansag na “Iskolar ng Bayan”? Mabilis na akong
naglakad para hanapin ang University Theater sa halip na sagutin ang tanong ng
isip ko. Baka ma-late pa ako.
In short, nakita ko din ang hinahanap
ko. Pagkatapos ng orientation, feel na feel ko na talaga ang pagiging taga-UP. Maraming
nag-speech, puro words of welcome at kung anu-ano pang pambobola sa mga bagong
salta. Pero syempre hindi ko naramdaman na bola ang lahat ng yun. Naastigan pa ako dahil
nagsample ang UP Pep Squad, pati na rin ang mga aktibista dala ang kanilang mga
banners habang taas-baba ang kanilang mga kamao. May nagsample din ng UP Naming
Mahal. Paglabas ng Theater, di maalis ang ngiti ko. Wow, taga-UP na nga ako.
2002
Ngayon ko lang ito ikukwento. WAla masyadong nakaalam ng bahaging ito ng college life ko. Masakit man sa mata pero nakatatak
na sa Transcript of Records ko ang “DRP” sa 3 subjects para sa 2nd
sem. Dalawa para sa foreign language electives at isa para sa major
subject ko. Hindi ko alam ano nangyari sa akin bakit nagkalat ako sa sem na
ito.
Kung kelan semplang ako sa studies, dun
naman ako jackpot sa lovelife. Sinagot ko ang first boyfriend ko the night
before ako lumuwas para mag-enroll for 2nd sem. Lutang ako nun
habang nasa bus. Parang baliw na napapangiti habang inaalala kung paano
humantong sa “matamis na oo” ang lahat.
Dapat inspired ako di ba? Dapat mas may
dahilan ako para mag-excel. Pero na-overwhelm ata ako sa feeling ng meron ng
nangungumusta sa akin, nagpapaalala na “kain na” at naggugudnyt gabi-gabi. Hindi ko
siguro na-balanse ang dalawang magkaibang aspetong yun. O baka naman terorista lang
talaga ang mga professors ko nun. Pwede din yun.
2005
Sa kabila ng 3 DRP sa class cards at
kaba dahil baka bumagsak ako sa thesis writing, nakuha ko pa rin ang
pinakamimithing diploma. Proud pa rin ako dahil natapos ako on-time.Wala mang
kadikit na “cum laude” ang pangalan ko habang tinatawag sa stage, masaya pa rin
ako dahil para akong binunutan ng tinik. Nakahinga ako ng maluwag dahil feeling
ko isang maze ang tagumpay kong nalusutan. Isang dambuhalang maze na maraming
pasikot-sikot. Madalas nakakalito dahil hindi mo alam kung tama pa ba ang dinadaanan
mo. Wala kang magagawa kundi ang sumugal at magpatuloy sa paglalakad, dahil
hindi mo naman malalaman kung tama ang landas mo unless susubukan mo. Pero hindi
pa rin ako naiyak nung graduation ko.
Gusto ko pa sanang magpahinga ng ilang
buwan bago sumabak sa pagtratrabaho. Kaso, kailangan na. Tawag ng
responsibilidad sa pamilya. Matapos ang ilang beses na pagsagot sa tanong na
“tell me something about yourself” at “why do you think should the company hire
you?”, may nabola din ako para tanggapin ako. April ako grumaduate at sinuwerte
akong makapagtrabaho agad ng June, bonus pa na sa isang sikat at malaking kumpanya
pa ako natanggap.
Kaso eto na naman ako, nagsisimula pa
lang umarangkada sa career pero biglang sumemplang ulit, this time sa pag-ibig. We
broke up after almost three years, at parang guguho ata ang mundo ko noon dahil dun. Ilang buwan ko ding
naging theme song ang “Till My Heartaches End”. Hanggang sa parang naging namanhid na lang ako at naging normal
na lang ulit ang lahat. Hindi ko masasabing parang wala lang, basta lumipas na
lang ang mga pag-iyak ko sa gabi at pagkatulala. Malaking tulong ang bagong work
environment at ang mga bagong kaibigan.
2009
Masyadong memorable sa akin ang taong
ito.
QA Specialist of the year awardee ako
for 2008. Sa EDSA Shangri-la ko tinanggap ang trophy ko na may kasamang bag of
goodies (ballpen, notebook, at notepad na parang pwedeng gawing mousepad) at
sobre (secret ang laman!). That night was my most glorious moment at hanggang
ngayon I’m treasuring that moment. Kaya ko pala, konting tyaga lang.
First time kong makakita ng pregnancy
test kit. At first time ko ring makagamit. Oo, para sa sarili ko. Medyo malabo
pa yung pangalawang linya kaya in-denial pa ako sa resulta. Pero sa pangalawang
beses na magtest ako, ganun pa rin. Dalawang linya talaga. Parang biglang
nagfast forward to the future ang utak ko. Mga tanong gaya ng “paano na?”, “matanggap
kaya nila?” at “kaya ko ba?” ang agad kong naisip. Lahat, hindi sigurado ang
sagot. Sa isang bagay lang ako sigurado, isang regalo ang dumating.
Hindi natapos ang taon, nagpalit ako ng
apelyido. Kahit gusto ko pa sanang maglakad sa mahabang aisle ng simbahan sa saliw ng kantang “Hanggang” ni Wency Cornejo habang suot ang wedding gown na dinesign ko, kinailangan kong magkasya sa pagbili ng ready to wear na white
dress sa Megamall. Maaring wala ito sa tamang panahon at naging mabilisan ang
lahat dahil sa dinadala ko, pero hindi ko pinagsisihan ang pagpirma sa marriage certificate namin. Hanggang
ngayon. (P.S. Tama pala ang kasabihang "Love is sweeter the second time around." Kami rin pala ng first boyfriend ko ang magtatagpo sa finals.)
2010
Isang anghel ang dumating, sa kabila ng takot
at pangamba. Hindi ko pa rin lubos maisip kung paano ko nalampasan ang isang
major operation considering never pa ako naconfine sa buong buhay ko. There is
always a first time on everything talaga. Noong huling gabi ko sa ospital,
magkatabi kami ng asawa ko habang nanonood ng Maalaala Mo Kaya nang biglang humilig sya sa
balikat ko. Napansin ko na lang na nagpunas sya ng mukha. Umiiyak pala sya.
Sabi nya, bigla daw nagsink in sa kanya ang lahat. Ganun pala yun pag ama ka na. Magbabago ang lahat ng pananaw mo sa
buhay at magiging sentro na lang ng mundo mo ang anak mo. Iisa ang naging
pangako namin sa isa’t isa – pagtutulungan naming alagaan at palakihin bilang
mabuting bata ang anghel na ito.
2011
Isang mabigat na desisyon para sa akin
ang magresign mula sa kumpanyang halos 6 years ko ding nakasama. Matagal ko ring
pinag-isipan ang desisyon na ito, tinimbang ang mabuti at masamang epekto ng
pag-alis ko. Marami akong narinig na hindi maganda habang pinag-iisipan ko ang
desisyon ko. Sayang naman ang posisyon at
skills mo. Ano ang magiging trabaho mo sa probinsya? Nag-aral ka pa sa UP kung
sa probinsya rin lang pala ang bagsak mo. Pero isang malaking sakripisyo
ang kailangan kong gawin para maging buo ang pamilya ko. Mahirap pala sa isang
ina na habang nagtratrabaho ay lipad ang isip dahil iniisip mo kung kumusta na ang anak mo. Kahit tambak ang trabahong kailangang tapusin, wala doon ang
atensyon mo. Masakit na sa bawat pag-uwi mo, meron nang bagong alam o
development sa paglaki ng anak mo na hindi ikaw ang unang nakasaksi. Hindi ko
nakita ang una nyang pagdapa o ang unang pagtayo. O ang una nyang pag-close
open. At mas masakit na sa minsan nyo na nga lang pagkikita, hindi mo pa sya
magawang mayakap o makarga dahil ibang mga kamay ang nakasanayan nya. May isa
pa ngang gabi na nagligalig sya before matulog habang katabi ko sya. Pilit ko
syang pinatahan, pero tinalkuran ako para sa Tatay nya humarap. Ouch lang.
2012
Kaka-birthday ko lang. Bente-otso na ko.
Tsk, tsk. Isang taon na naman ang mabilis na lumipas. Kapag iniisip ko, ano na nga ba ang narating ko sa 28 years na paglalakbay ko? Ano na ang maipapagmalaki ko? Ang
totoo? Hindi ko sigurado ang sagot. At hindi ko alam kelan ito magkakaroon ng sagot. Pakiramdam ko, next year, ito na naman ang magiging mga tanong ko. At sana by then, meron na akong siguradong sagot.
No comments:
Post a Comment