Sunday, May 13, 2012

Caution: Writer’s Block…in progress


Gusto kong magsulat ngayon. Kahit ano lang.

Gusto kong magsulat tungkol sa mga phobias, at ipaalam sa iba kung anong mga phobias meron ako.

Gusto kong magsulat tungkol sa birthday ko. Lapit na, ilang araw na lang.


Gusto kong magsulat tungkol sa first love ko noong high school. Kaya lang baka magalit ang asawa ako at tanungin ako bakit wala ako isinulat para sa kanya.

Pero actually, gusto ko rin namang magsulat tungkol sa love story naming mag-asawa, kaya walang dahilan ang asawa ko para magselos.

Gusto kong magsulat tungkol sa mga naging pagbabago sa buhay ko mula ng umalis ako ng Maynila at nagdesisyong umuwi na lang ulit ng probinsya para makasama ang mag-ama ko.

Gusto kong magsulat ng pasasalamat para sa nanay ko, tutal Mother’s Day ngayon.

Gusto kong magsulat tungkol sa paghingi ng tawad sa bunso kong kapatid na napalayo na ang loob sa akin dahil sa naging desisyon kong umuwi dito sa Mindoro.

Gusto kong magsulat ng memoirs, gaya ng ginawa ko sa undergraduate thesis ko sa UP. Gusto ko ngang buklatin ulit ung thesis ko, baka meron akong pwedeng i-post mula dun. Recycle kumbaga.

Gusto kong magsulat ng personality profiles, pero wala pa ako maisip na magandang subject sa ngayon.

Gusto kong magsulat tungkol sa sama ng loob ko sa buhay. Pero ayoko ng madrama. Ayokong mainis lang ang mga makakabasa sa akin dahil puro ako angsts.

Gusto kong magsulat ng tula, kaya lang poor ako sa rhymes at sukat ng verses.

Gusto kong magsulat ng short story, o kaya pag sinisipag-sipag pa, novel. Ano kayang magandang plot? Mahina nga din pala ako sa pagbuild ng climax at characterization. Wag na lang.

Gusto kong magsulat ng purong English. Kaso baka magreturn of the comeback si Professor N at magcomment sa post ko para lang okrayin ang grammar ko o ang sentence construction ko. 

Gusto kong magsulat. Marami akong gustong isulat. Kaso blanko ang utak ko para sa isang magandang simula. Hindi naman pwedeng puro gitna, o kaya puro ending. Meron bang ganun? Pausuhin ko kaya. Kaya lang baka isumpa ako ng mga babasa sa akin dahil wala na silang naintindihan sa mga posts ko. Bakit kasi hindi pwedeng ganun na lang.

Saan nga ba dapat magsimula? Sumasakit lang ang ulo ko.

2 comments: