Thursday, May 10, 2012

A Mother's Blog

Masyadong malaki ang tyan mo. Mukhang malaki ang bata, parang kambal. Baka hindi kayanin ng normal. Kaya maghanda na rin kayo kung sakali kasi baka ma-cesarian ka.


Perang maliwanag un, alam ko, pero parang ikinatuwa ko pa ang sinabi ni doktora. Mas kakayanin ko kasi yata ang sakit ng opera kaysa ang sakit ng paglelabor. Ni hindi ko nga sigurado kung marunong ako umire. Nakakahiya yata na sa loob pa ng delivery room kami magturuan.



Ang sabi March 7 daw ang due date ko. Sabi ni doktora, since panganay, baka mas maaga kesa sa due date. Ang hula naman ng biyenan ko, February 18 kasi full moon yun. Medyo di ko gets ang koneksyon ng buwan sa baby sa loob ng tyan ko. Basta gusto ko ng date na kakaiba pero madaling maaalala. At pinagbigyan naman ako. O baka magaling lang talaga ang timing ng baby ko dahil ala-una ng madaling araw ng February 25, EDSA day, isinugod na ako sa hospital ng pupungas-pungas ko pang asawa. Pumutok na ang panubigan ko.


Inobserbahan pa ako pagdating sa ospital. Wala akong labor pains pero panay ang agos ng tubig sa mga hita ko. At sobrang likot pa ni baby, hirap na hirap ang nurse on duty kuhanan siya ng heartbeat. Gusto ni dok maging normal delivery kaya naghintay pa kami ng ilang oras kasabay ng regular monitoring ng BP ko, heartbeat ni baby, at kung ilang cm na ako. Mataas pa daw ang ulo ng bata at malapit nang lumiwanag 1 cm pa lang ako. At 6:30 am, nagdesisyon na si dok na operahin ako. Malapit na maubusan ng tubig ang bata, sabi nya. Mahirap na daw makipagpagsapalaran. Nakaligtas nga sa gastos ng opera, peligro naman ang inabot naming mag-ina.


8:33 am! 


Yun ang narinig kong sigaw sa kabila nang mahilo-hilong pakiramdam mahigit isang oras matapos akong ipasok sa operating room. Malamang kay doktora na boses yun. O bka ung isa sa mga nurse. Hindi ko na alam. Lango pa ako sa anesthesia. Pero kahit mahilo-hilo pa ako at parang inaantok (o lasing?) na pipikit-mumulat na hindi mawari, sigurado ako sa sunod kong narinig. Iyak ng bata. My Juaquin Uriel was born.


Walang espesyal na pinanggalingan ang pangalan nya. Umaakyat ako sa hagdan noon sa opisina galing sa lunchbreak ko nang biglang pumasok na lang sa isip ko ang pangalang Juaquin. Bulong ng hangin? Ng kunsyensya? Ewan. Gusto ko kasi pinoy ang tunog. Ayoko ng sosyal sa pandinig. Ayoko rin ng kumplikadong spelling, gaya ng iba na basta masisingitan lang ng H o maidodoble ang letters sa pangalan, gagawin, maging kakaiba lang ang tunog ng pangalan. Pinagtawanan pa nga ako ng ilan kong ka-opisina sa napili kong pangalan. Bordado agad ang bansag nila hindi pa man lumalabas ang bata. Kawawa naman. Kahit ang asawa ko, naramdaman kong ayaw ng Juaquin. May kaklase daw kasi sya nung high school na Joaquin din, pero bully ng klase nila. Pero syempre ang ina pa rin ang nagwagi. 


Isang pangalan lang dapat ang ibibinyag namin sa kanya. Ayoko ng napakahabang pangalan. Naiisip ko ang mangyayari kapag pumasok na sya. Nakakaawa, baka lagi lang syang mahuli sa pag-uwi dahil pangalan pa lang hindi pa nya tapos sulatin. Pero dahil sa sakristan at pastor na dumaan sa hospital room ko, nadugtungan ng Uriel ang Juaquin . Regular daw nilang ginagawa ang pagbisita sa mga maysakit sa ospital na yun. Tinanong nila kung anung araw daw ako nanganak. Sabi namin, Huwebes. Ah, si Uriel ang guardian angel ng baby mo, ang sabi ng pastor. Nagandahan yata ang biyenan ko sa pangalan kaya upon her suggestion, isunod daw namin ang pangalan ng baby namin sa guardian angel nya. Maganda namang pakinggan kung pagsasamahin kaya ayun, pumayag na rin ako. Kaya naging Juaquin Uriel ang nasa birth certificate nya.


Pero kahit from out of nowhere ang pinanggalingan ng pangalan nya, I'm definite that my baby wasn't a product of any coincidence. Kahit natakot ako nung makita kong dalawang linya ang lumabas sa pregnancy test ko, alam kong isang regalo ang dumating. Hanggang ngayon, dala ko pa rin ang takot na yun sa dibdib ko. Pero ngayon, hindi na takot dahil sa panganganak kundi takot na baka mabigo ako sa pag-aalaga sa regalong ito.


Two years na akong ina. Masyado pang maaga para husgahan ko ang sarili ko if I have been a good mother so far. Hindi rin ako ang dapat humusga nun sa tingin ko, kundi ang anak ko. Basta ang alam ko, masarap gumising sa umaga na may katabi kang nakangiti agad sayo sabay iyayakap ang maliliit na kamay at hahalik sayo kahit may panis na laway at gatas pa sya sa bibig. Masarap kumain na may kasabay kang nagpupumilit na sumandok ng pagkain on his own, kahit nagkakanda-tapon pa, para lamang ilagay sa plato mo. Masarap umuwi sa bahay ng may tatakbo papunta sayo para sumalubong, kahit nagkakandarapa pa, sabay buklat sa bag mo para tingnan kung meron kang uwi para sa kanya. Higit sa lahat, kahit pa maistorbo ka sa mahimbing na pagkakatulog, masarap marinig na sa gitna ng pananaginip nya sa gabi, iisa pa rin ang isinisigaw nya para sumaklolo sa kanya - Nanay.


Cheers to all the mothers in the world!



3 comments:

  1. like 100x :) happy mother's day week month year to us and to many more babies.eheheh

    ReplyDelete
  2. yiiih feel na feel ko talaga yung panganganako mo ate Jena parang ang hirap hehe....Happy mother's day :D

    ReplyDelete
  3. hiyee jen! nice one ^^ welcome to the blogger world... looking forward for more posts from you...keep it up

    ReplyDelete